Kahapon nagkita kami ng kaibigan kong si Bro T sa Pasig Museum dahil nagpapatulong ako sa kanya maghanap ng artist na pwedeng gumawa ng drawing na gusto ko sanang ilagay sa website na ginagawa naman namin ni ‘bigan A na dati kong kaopisina. Kaya lang wala yong artist na gusto nya sana ipakilala sa akin pero nakadisplay ang isa nyang gawa sa museum. Mukhang ok naman. Sa Liwayway Komiks magazine daw ito nagtatrabaho.
Dahil sa wala nga yong hinahanap namin, uminom na lang kami ng kape sa isang fastfood sa tabi ng museo at doon nagpalipas oras. Naging paksa namin ay mga posibleng mapagkakitaan. Meron syang naisip na lalagyan daw ng cellphone o kaya ay mga design na idinidikit sa t shirt. Parang hindi ko masyadong gusto yon dahil meron pa nga akong t shirt project sa ibang grupo pero hindi namin malaman kung paano isusulong ito.
Maya maya ay naisip ko na umuwi at niyaya si Bro pero ang sabi nya ay may pupuntahan pa daw syang bible study na kasama ang isa nyang kaibigang inhinyero. At naalala nya na baka nga pala yong kaibigan nya ay may alam tungkol sa pag aayos ng internet connection na pinoproblema ko kaya niyaya nya ako na sumama. Hindi ako interesado sa bible study pero umaasa ako na makakatulong nga ang kaibigan nya na maayos ang internet ko kaya sumama ako.
Habang naglalakad kami papunta sa kaibigan nya, nalaman ko na silang dalawa lang pala ang magba bible study at kaya nila ginagawa yon ay para makahanap ng kasagutan sa mga atake sa kanila ng mga nakaka enkwentro nilang mga Iglesia ni Kristo. Dahil malapit sa sambahan ng Iglesia nakatira yong kaibigan nya, biniro ko si Bro na baka sya tambangan ng mga iglesia pagdaan doon sa malapit sa kanila. “Ok lang yon. E di magiging Santo ako,” ang sagot nya. Tapos nagtawanan kami. Sabi ko naman sa kanya, pag magiging santo sya, sana ang una nyang gawing milagro, panaluhin ako sa lotto.
Pagdating namin sa kaibigan nya, nakahanda na yong tatlo o apat na bersyon yata ng bibliya na pag aaralan nila. Pero nag usap muna kami tungkol sa computer at lumitaw na hindi rin sya gaano makakatulong dito kaya iba na lang ang pinag usapan namin. Sinabi ko sa kanila na hindi ako masyado mahilig makipagdebate tungkol sa relihyon dahil hindi sa salita makikita ang tunay na paniniwala ng tao kundi sa gawa. Kaya mas maigi pa, gumawa na lang sila ng mabuti sa kapwa batay sa paniniwala nila. Sang ayon naman sila dito kaya napunta na lang sa paksa ng hanap buhay ang aming usapan.
Matagal ko na nabanggit kay Bro na gumawa kami na animated display tuwing pasko at i-alok ito sa mga simbahan at mga department stores. Kaya lang wala kaming makitang tao na may alam sa mga makina at kung paano magagamit ito para pagalawin ang mga display. Si Bro J ay interesado rin pala dito at may alam sya halimbawa kung paano magpagalaw ng pakpak ng angel. Meron din daw syang malalapitan na mechanical engineer na maaring makatulong sa amin. Mula dito nag isip na kami ng isang tema na maaaring pagalawin at ang una naming naisip ay ang belen na I aalok namin sa simbahan ng Pasig.
Kung sakaling magawa namin ito, hindi nasayang ang pagpunta ko sa Pasig Museum kahit hindi ko nakita ang hinahanap kong artist.
Wednesday, August 20, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment