Wednesday, August 13, 2008

Bayanismo at politikong animal


Ang Bayanismo at ang mga Politikong Animal

Ang mga Politkong Animal

Kunwari ay nais maglingkod ngunit sa katotohanan ay walang ginawa kundi mangulimbat at magpasasa sa tinamasang kapangyarihan habang inilalabas ang sarili nila sa saklaw ng batas, ang mga politiko at mga punong bayan na ganito ang gawa ay maituturing na mga politikong animal na pawang perwisyo at pahirap ang dulot sa bayan.

Simula pa noong panahon ng Kastila hanggang sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay hindi pa nakakahulagpos sa paghahari ng mga mamumunong matatawag na politikong animal. Bagay na tinugunan at maging ikinasawi ng mga ninuno natin na ngayon ay itinuturing nating mga bayani.

Sina Rizal, Bonifacio, Mabini at libu pang mga Pilipino ay nag alay ng kanilang dugo at pawis para makalikha ng isang bansa na kung saan ang mga Pilipino ay maaaring mabuhay ng maayos at matiwasay sa ilalim ng makatarungang batas na nakapataw sa lahat ng pantay pantay. Ngayong wala na sila, kailangan ipagpatuloy ang kanilang adhika. Kailangan pa rin nating ipanalo at itatag ang paghahari ng katotohanan at katarungan para na rin sa ating kapakanan.

At ang simula ng pagbabago ay ang pagkakalipol natin sa mga politikong animal at ang pagkakalagay sa kanila sa kanilang dapat paglagyan – sa kulungan.

Hanggang hindi natin natututunan kung paano magagawa ito bilang isang lipunan, ang bayan at mga kababayan natin ay maaasahan lamang na patuloy na maghihirap at magtitiis pagkat hindi matitigil ang pagsasamantala at pagnanakaw sa atin ng mga politikong animal na ito.

Kung kaya upang makalaya tayo sa kahirapan, dapat magawa nating mapaghari ang batas at maipagkukulong ang mga politikong animal.

Kaparusahan ang simula ng pagbabago. Ikulong ang mga Politikong Animal!

Ang Bayanismo

Kapag ang bayan ay nakikta nating sinisikil at ang mga tao’y pinagsasamantalahan at pinagnanakawan, dapat pa bang ang mamamayan ay maghanap at mag-antay ng taong tagapagligtas?

Tungkulin ng bawat isa sa ating mga Pilipino na kapag ang bayan natin ay nasa kapahamakan na tayo ay kumilos at magtanggol sa kapakanan nito. Pagkat walang kasing sawimpalad ang bayang nangangailangan ng bayani, inaasahan lamang na ang bawat isa sa atin ay tatayong bayani at gagawin ang buong makakaya upang iligtas sa katiwalian ang ating bayan.

Hindi nagkulang ang Pilipinas ng mga bayaning tunay na naglingkod sa Inang Bayan. Kailangan lamang ay magbalik tanaw tayo sa kanilang mga pangaral at habilin upang makita natin na magpahanggang sa ngayon ang kanilang sinabi noon ay umaalingawngaw pa rin sa katotohanan hanggang ngayon. Gaya nga ng isang kasabihan na ipinaalala sa atin na “ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan”, ang araw na matutuhan nating alalahanin at parangalan ang ating mga bayani ay siya rin ang araw na ipapasya natin na tayo ay maging malaya. Malaya sa panlilinlang, malaya sa katiwalian at malaya sa pananamantala ng mga politikong animal.

Ang mahalaga ngayon para sa ating mga Pilipino ay huwag mawalan ng tiwala sa katotohanan at kabutihan. At lalong lalo na huwag sumuko sa sinisismo ng mga masasama na naghihikayat sa atin na sumama na lang sa kanila dahil sa tayo daw ay mahina at walang magagawa. Sa panahon ngayon, ang pagiging tapat sa kung ano ang matuwid at tama ay maituturing na rin na tunay na kabayanihan.

Habang may mamamayang tunay na nagmamahal sa katotohanan at kabutihan, hindi tuluyang magwawagi ang kampon ng katiwalian at kasamaan. Ano pa kaya kung ang bilang ng mamamayan na magiging sundalo ng katotohanan at kabutihan ay aabot di lang sa daan daan, kundi libu libo, maging milyon? Walang armas, walang bangis ng kalaban na kayang sawatain ito.

Gaano man kadilim ang gabi, gaano man kabigat ang ating pagsubok, gaano man kabangis ang mga nagpapahirap sa atin, hindi tayo walang magagawa at hindi tayo dapat walang gawin.

Ang ating pagpapasya ang guguhit ng ating kapalaran. Ang ating pagkilos ang magiging kasaysayan.

Ang Bayanismo ay ang pag-unawa at paninindigan na tayo mismo ang gagawa ng kabayanihang kailangan ng ating bayan ngayon, na tayo mismo ang maging bayani ng ating panahon.

Mabuhay ang Bayanismo! Mabuhay ang Pilipinas!

(Image created by Lyte Seneres and Mike Adrao)

No comments: