Monday, April 18, 2011

Maangas na Talumpati ni PNoy Para sa mga Aktibistang Pasaway sa UP - kathang isip lang

Larawang hiram sa internet.

Sa mga mag-aaral na kinakarir ang pagngingitngit sa pamahalaan, nais ko lang ipaunawa sa inyo na walang ganitong disiplina o kurso sa inyong pamantasan. Gayon din naman, walang may prankisa ng pagmamahal at paglilingkod sa bayan.

Naniniwala ako na lahat tayo – aktibista man o hindi- ay nagmamahal sa ating bayan at sa munti nating sari-sariling paraan ay nagsisikap tayo na makapaglingkod sa kanya.

Kung iniisip ninyo na ang pagbatikos sa pamahalaan at pambubulahaw sa inyong mga imbitadong tagapagsalita ay pagtupad sa panawagan na paglingkuran ang sambayan, maari lang sana na mag-isip ulit kayo.

Ang graduation ceremony halimbawa ay hindi tungkol sa mga taong nabiktima – este – naimbitahan pala, ninyo na magsalita sa inyo. Ito ay moment ng mga kamag-aral ninyo bilang pagkilala at pagpaparangal sa kanilang nagawa. Ito ay selebrasyon ng kanilang tagumpay. Ano ang karapatan ninyo na i-hijack ito para lamang ibulalas ang inyong hinaing na maaari naman ninyong ipahayag ng mas maayos at mahinahon sa tamang paraan, lugar at okasyon?

Totoo, may halaga ang mga kilos protesta na naghahayag ng daing ng mga mamayan. Ngunit hindi dahil sa malakas kayong sumigaw ay kayo na at kayo lang ang tama at dapat pakinggan. Kung ganito ang inyong paraan, paano kayong makikinig sa mga boses na di tugma sa gusto ninyong marinig? Kailangan pa bang ipa memorize sa inyo na sa demokrasya, ang paglutas ng problema ay hindi dinadaan sa palakasan ng boses kundi sa mahinahong pag-uusap ng mga taong may iba’t ibang pupuntahan ngunit may isa lamang na sasakyan?

Sa totoo lang, napakadaling manggulo, napakadaling mag-ingay at napakadaling ipagsigawan ang pagmamahal sa bayan. Ngunit ang mas mahirap na gawin ay isabuhay ito.

Tanungin ninyo kaya kung nasaan na ang mga nagpupuyos na mga aktibista noon.

Karamihan sa kanila ay lumagay na sa tahimik at nabubuhay bilang ordinaryo at produktibong mamamayan. Sa isang banda, ang kanilang pagiging produktibo ay paraan ng kanilang pagtulong sa bayan dahil pinayayaman nila ang Inang Bayan.

Ang iba naman ay naging masugid na tagapagtanggol ng mga rehimen at politikong sinsiskap nating papanagutin ngayon dahil sa kasalanang ginawa nila sa bayan. Paanong nagkaganoon? Ano ang nakain nila?

Ngunit meron din namang ilan- hindi marami- na pinili na lamang sumama sa mga nagpapatumba ng cell phone towers at nananambang ng ating masang kasundaluhan. Ang tangi nilang nililikha ay mga biyuda at ulila. Meron bang pagsisilbi dito? Kung ito ang ambisyon ninyo, ang masasabi ko lang, mag-ingat kayo sa ma-ahos –hindi lang ma-ahas- na landas na tatahakin ninyo.

Bilang mga estudyante, kayo ay nasa kapaligirang may ganap na kalayaang pang-akademiko. Ang dahilan rito ay upang mabigyan kayo ng buong laya na mangalap ng kaalaman, masanay sa pagsusuri, mahasa ang pag-iisip at mapalutang ang pinakamagaling sa inyong sarili.

Huwag ninyong sayangin ang pagkakataong ito sa pagpalit ng inyong aktibismo sa inyong tungkuling dapat gampanan bilang mag-aaral. Huwag ninyong lustayin ang inyong akademikong kalayaan sa pagpupumilit na sa kaalamang meron kayo ay kaya na ninyong ipiloto ang barko ng bansa. Totoo, mas madaling mag-ingay sa halip na mag-aral. Mas masayang makibaka kasama ng mga barkada sa halip na magpakadalubhasa. Ngunit mas kailangan ng bayan ng mga taong marunong at may tunay na nagagawa, sa halip na mga taong mapusok at baka nagdudunong dunungan lamang.

Hindi natin maikakaila na sa ating bansa, hindi madali ang buhay ng mag-aaral. Marami talagang suliranin ang bansa na nakaka-apekto sa inyo. Ngunit hindi naman lahat ay pagsubok. Kung may hirap, may gantimpala. Pagdating ng araw na mabuno ninyo ang lahat ng mga hamon sa mag-aaral at mapatunayan ninyo ang inyong sarili, hindi na kayo kailangan magsisigaw pagkat ang mga tao pa mismo ang hihiling na mapakinggan kayo. Tingnan nyo na lamang ang kamag-aral ninyo na tagapagsalita ninyo ngayon. Hindi lang sya nagsalita sa madla ng once, but twice!

Ang araw ng inyong pagtatapos ay ang araw ng inyong pagpapasya. Bayan nga ba o sarili? Kayo na ang bahala. Baka naman kasi maaari ninyong pagsabayin.

Dahil tayo ang bumubuo ng sambayanan, mababago lamang natin ang ating bayan sa pagbabago ng ating sarili. Ito ang pakatandaan ninyo.

Kabataan, tunay nga na kayo ang pag-asa ng bayan. Ngunit paano kayong mapapakinabangan kung laging nakatiklop ang inyong kamao?

Kung hindi kayo mag-aaral, sino ang mag-aaral?

Kung hindi ngayon, paano kung may test kayo bukas? Larawang hiram sa internet.

No comments: