Friday, October 11, 2013

Holy-dap: Bagong modus ng mga kriminal

  ("Crime and Punishment" - Mula sa collage series People and Power: 16 Views of Malacanang ni VFG)


May bagong modus ngayon ang mga taong nanghihingi ng pera sa mga pasahero ng jeep. Dati mamimigay lang sila ng sobre at susundan kunyari ng dasal, caroling o kaya ay pangaral mula sa bibliya.

Pero kailan lang, sa sinasakyan kong jeep, yong nagbigay ng sobre ay maangas na tinawag ang pansin ng mga pasaherong hindi siya pinapansin at sinabing pakinggan ang sasabihin niya.

Kunwari ay nangangaral siya pero ang kanyang sinasabi ay may kahalong pananakot tungkol sa masamang nangyayari daw sa mga taong mas pinapahalagahan ang pera ng higit pa sa salita ng diyos. Matagal siyang nagsalita tungkol sa mga pasaherong nasasaksak ng holdupper at napapatay dahil sa pagpapahalaga nila sa mga materyal na bagay, Paulit ulit nyang binabanggit ito at malinaw na ang pakay niya ay manakot. Ewan kung may kasabwat sya na maglalabas ng panaksak o baril kapag wala pa rin pumansin sa kanya. Nang makakita kasi ako ng pagkakataon na bumaba ng sasakyan, bumaba na ako.

Gusto ko sana isumbong sa pulis ang nagaganap sa jeep pero wala naman akong makita sa oras na kailangan ko lumapit sa kanila.

Dapat kasi ay hindi na pinabayaan ang ganitong aktibidad kahit noong pa aral aral pa lang sila kunyari. Halata namang panloloko ito. Ngayon tuloy ay nag level up na sila at nanakot na ng mga masasamang bagay sa mga pasahero.

Nahold up na ako minsan sa loob ng jeep at natutukan ng baril. Para sa akin, bago pa man makapanakit ng mga inosenteng tao ang mga ito at maisakatotohanan ang kanilang pananakot. dapat unahan na sila ng ating mga alagad ng batas.

No comments: