Friday, December 30, 2011

Maangas na paalala ni PNoy sa mga mahilig magpapaputok sa Bagong Taon

(larawan kinuha sa internet)


Mga kababayan, aking mga Boss, makinig kayo sa sasabihin sa inyo ng inyong Pangulo.

Nalalapit na naman po ang pagtatapos ng isang taon at tayo ngayon ay naghahanda sa pagsalubong sa isa na namang darating na puno ng pag-asa.

Muli, ako po ay nananawagan na sana ay salubungin ninyo ang darating na taon na ito sa mas ligtas at mas responsableng paraaan.

Sa mga alipin ng tradisyon at superstisyon na naniniwala na ang pagpapaputok ang nagtataboy sa kamalasan, paalala lang po na huwag kayong gumamit ng mga ipinagbabawal na paputok at baka kayo ang malasin. Kung maari nga ay humanap na lang kayo ng ibang paraan upang mag-ingay at magsaya.

Nariyan naman po ang torotot, tambol, kalembang at kung anu-ano pang paraan ng pag-iingay kasama na ang karumal dumal na karaoke. Huwag n’yo lang po kalimutan na maligo dahil hindi naman po maganda kung kayo mismo ang may putok sa Bagong Taon.

Binabalaan ko rin po ang sinumang nagbabalak salubungin ang bagong taon sa pamamagitan ng pagpapaputok ng baril. Mga pinaputukan kayo ng tilapya!@@#$#!! Kapag ginawa ninyo ito, makaaasa kayo na tutugisin ko kayo sa buo ng aking makakaya. Hindi ako nagbibiro. Kung presidente nga naipakulong ko, e kayo pang mga kriminal na duwag at adik sa kayabangan.

Sabi po ng aking mga kalaban sa politika, ako daw ay may pagkadiktador. Hindi po totoo yan dahil kung ako lang sana ang masusunod, ang mga mahuhuling gumagamit ng bawal na paputok o baril ay hindi ko lang basta basta ipakukulong. Sa halip ay ipadadala ko sila sa Cebu Provincial Jail para doon sila ay piliting magsayaw ng walang tigil sa tugtog ng 'Fireworks' ni Katy Perry . Tingnan lang natin kung hindi nila isumpa kahit ang magsindi lamang ng posporo pag naranasan nila ito.

Hindi ko po maintindihan kung bakit hindi maintindihan ng marami sa ating mga mamamayan na ang nakagawiang pagsalubong sa Bagong Taon sa pamamagitan ng paputok ay hindi na angkop sa panahon ngayon at dapat nang baguhin.

Mahirap bang unawain na ang perwisyo ng paputok ay idinadamay ang lahat, maging ang hindi gumagamit nito?

Kitang kita naman natin kung paano nababalot ng nakasusulasok na usok ang kapaligiran tuwing sasapit ang bagong taon., Paano na ang mga may sakit na nahihirapang huminga? Paano na ang mga alagang hayop na walang panlaban sa matinding ingay na gawa ng paputok? Naisip ba ninyo kung ano ang epekto ng usok na inyong pinakawalan sa pag-init ng mundo at pagbabago ng klima? Kung wala kayong paki-alam dito, huwag ninyo kalilimutan sa susunod na matinding bagyo, habang kayo ay paanod anod sa malalim na baha na ‘you deserve it!’.

Mahirap makakawala sa mga nakaugaliang paraan. Ngunit kung para naman ito sa ating kapakanan, hindi po ba dapat lamang ay gawin natin ito. Kung makahingi pa naman kayo ng pagbabago sa pamahalaan ay parang KAYO na ang kampeon sa pagbabago. Ngayon, meron kayong pagkakataon na ipakita ito sa pagbabago ng paraan ng pagsalubong ninyo sa bagong taon.

Kung magagawa ninyo ito, anong hamon na kinakailangan ng pagbabago ang hindi ninyo makakayang harapin? Umaasa ako na magagawa ninyo ito pagkat sa totoo lang, mababago lang natin ang ating bansa sa pagbabago ng ating sarili.

Hanggang dito na lang po at maraming salamat.

Happy New Year!

No comments: