Thursday, November 19, 2009

Sabihin mo Noynoy


Dear Noynoy,

Marami ang nagsasabi na ikaw ay mabuting tao. Ang iyong ama ay martir at ang iyong ina ay bayani. Dahil dito, marami ang naniniwala na sakali mang mahalal ka na pangulo, ikaw ay hindi gagawa ng masama.

Ok lang ito. Ang inaalala ko, baka naman kahit wala kang gawing masama, ay wala ka rin namang gawing mabuti.

Kaya sana Noynoy, ngayon pa lang ay sabihin mo na sa amin kung ano ang iyong gagawin. Sabihin mo sa amin na hindi mo lang balak maging poster boy ng People Power. Sabihin mo na hindi ka parang pop corn na mukhang malaki pero walang laman.

Sabihin mo na kaya mong pamunuan ang laban sa mga kawatan na nanambang sa ating demokrasya at sumalaula sa ating saligang batas. Hindi sila baliw na matapos mahuli sa kanilang katampalasan ay matiwasay sila na bibitiw sa kapangyarihang kanilang inagaw. Ngunit huwag kang mag-alala, nasa likod mo kaming mamamayan.

Sabihin mo sa amin kung paano mo ibabangon muli ang paghahari ng batas na pinagtulung-tulungang ilibing ng mga politikong hayok sa kapangyarihan at gahaman sa kayamanan. Sabihin mo sa amin na ang mga politikong ito ang iyong ililibing sa kasaysayan at kung kinakailangan ay ibuburo sa kulungan. At sabihin mo sa amin na sa ilalim ng batas na iyong itatatag muli ang lahat ay tunay na magiging pantay pantay – para sa mayaman, gaya ng sa mahirap, kulungan lamang at hindi ospital ang luklukan ng sinumang gumawa ng krimen.

Sabihin mo sa amin kung paano mo binabalak linisin ang pamahalaan at bakunahan ito laban sa katiwalian. Sabihin mo sa amin kung ano ang aming gagawin upang ikaw ay matulungan. Sabihini mo sa amin na titiyakin mong mabubulok sa kulungan ang mga tulisan sa pamahalaan.

Sabihin mo sa amin kung paano mo bibigyang katarungan ang bayang pinagsamantalahan at pinagnakawan - na ngayon ay tumataghoy at lugmok sa kahirapan. Sabihini mo sa amin na hindi mo isusubo ang taumbayan sa pagbabayad ng imoral na mga utang na hindi sila ang gumawa at nakinabang. Sabihin mo sa amin na sisikapin mong bawiing muli ang mga ninakaw na yaman ng bayan at gagamitin ito sa pagbibigay katarungan sa mga higit na nagdusa at napagsamantalahan.

Sabihin mo na kapag pangulo ka na ay haharapin mo at gagawan mo ng paraan ang legal na pagnanakaw sa kinabakusan ng milyong mamayan sa anomalyang kung tawagin ay kontraktwalisasyon. Kapag ang isang tao ay pumasok sa mall at kumuha ng bagay na hindi niya binayaran, agad siya ay tinatawag na magnanakaw. Ngunit ang mga negosyante kapag hindi ibinigay ang benepisyo na nararapat sa isang manggagawa dahil may paraan na maka-iwas dito, ito ay wala lang. Ninanakaw ang kinabukasan ng ating mga mamamayan ngunit ito ay wala lang. Nakakapagtaka ba kung bakit sa ating bayan ang mayaman ay lalong yumayaman at ang mahirap ay lalong naghihirap?

Sabihin mo sa amin na ikaw ay may paninindigan, na marunong kang pumili ng boses na pakikinggan – ang boses ng mga mahihina at walang kapanyarihan, hindi ang boses ng basta lang maiingay o mga nagpapakasasa.

Sabihin mo Noynoy. Sabihin mo sa amin na hindi mo bibiguin ang bayan.

1 comment:

Anonymous said...

Paano niya sasabihin ang lahat na yan e nakasara bibig niya? ;D