(isang tulang bunsod ng larawan sa pahayagan ng isang babaeng malamig na hinahalikan ang asawang kampeon matapos makarinig ng mga balita na labis labis na nakasakit sa kanya)
Ang mga mata mo ay walang ningning,
Ang mga ngiti mo ay walang sigla,
Nagbalik ka sa iyong bayan
Na parang malamig na tropeo
Ng isang kampeon
Na ang dinurog
Ay ang puso mo na mas higit
sa tunay niyang kalaban.
Walang maliw ang madla
Sa kalbaryong nilalakad mo
At sa sugat na iyong iniinda
Pagkat lahat ay lasing sa galak
Ng tagumpay na maging ikaw
Ay inaasahang magpakalasing
Sa kabila ng kahihiyan at dagok na
Lumatay sa puso mong naninibugho.
Ngunit sa kabila ng iyong ipinapakitang
pagsasaya
hindi maitatago ng larawan
Ang iyong tulirong diwa at malamig na halik.
Bakas sa iyong mukha,
ang lungkot ng pagkagupo
sa gitna ng maingay na pagdiriwang
ng isang malupit na panalo
Kung may lamat na ang iyong puso
Dahil sa bugbog na inabot nito,
Ano ang gagawin
Kapag namatay ang pag-ibig?
Saturday, November 21, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment