Saturday, November 8, 2014

Ang Alamat ng Hoya/ Legend of the Hoya

Hoya cagayanensis (picture taken from internet)
Para sa akin, hindi lang basta maganda ang Hoya. Ang maraming anyo nito ay maitutulad sa iba't ibang makukulay na ibon at dahil dito, pumasok sa isip ko na gumawa ng isang kwentong pambata na lilikha ng interes sa mga hoya at bukod rito ay imumungkahi pa na ipalit ang pag-aalaga ng hoya sa halip na mag-alaga ng ibon sa kulungan.

Mula sa ideyang ito, may nabalangkas na kwento ang isang kaibigan na aking nakausap. Sa kanyang pahintulot, ibabahagi ko ang kanyang kwento:

May isang bata na binigyan ng kanyang lolo ng isang malaking hawla ng ibon. Pag-uwi niya sa bahay, nagpahuli siya sa kanyang ama ng ibon na mailalagay sa hawla.
Naglagay ng bitag ang kanyang ama sa kanilang hardin at di nagtagal ay may nasilo nga itong isang makulay na ibon. Agad inilagay ito ng bata sa hawla.

Ngunit sa paglipas ng araw, napansin ng bata na napakalungkot ng ibon na halos di na kumain. Sa awa ng bata, kinausap niya ang ibon at sinabing palalayain niya ito kung ipapangako ng ibon na babalik siya sa hardin araw araw.

Pinalaya ng bata ang ibon at tinupad naman ng ibon ang kanyang pangakong babalik at nagdadala pa siya ng kasama.

Ngunit dumating ang araw na kailangan ng lumisan ang mga ibon para sa ibang lugar. Bago umalis, binigyan ng ibon ang bata ng isang sanga at binilinan siya na itanim ito. Malungkot man ang bata sa pagalis ng mga ibon na nakaibigan na niya, sinunod ng bata ang sabi ng ibon.

Makalipas ang ilang araw, ang sanga ay nagsibol ng mga bagong dahon at gumapang palibot ng hawla. Patuloy na inalagaan ito ng bata at isang araw, lumabas dito ang magagandang bulaklak na nagpa-alala sa bata ng kanyang mga kaibigang ibon. At dahil dito, hindi na nalungkot ang bata.

The end.
-------

Sadyang ginawa kong Filipino ang pagkakasulat nito dahil gusto ko na maging kwentong bayan muna ito na mabuhay sa kamalayan ng mga Pilipino.

Hindi ako makata o manunulat pero sana ay mayroong pumulot ng kwentong ito at gayakan ng tamang salita upang maging kwento na tunay na kaaya aya para sa mga bata at maging sa matatatanda na sa puso ay nananatiling bata pa rin.




Hoya mindorensis (picture taken from internet)


No comments: