BIR newspaper ad - picture taken from internet |
Unang una, hindi naman sinabi ng BIR na LAHAT ng mga doktor ay tax evaders at pabigat sa lipunan. Yon lamang ilan na ayaw magbayad ng tamang buwis.
Pero para sa PMA, ang advertisement daw na ito ay paninira sa kanilang marangal na propesyon at hurt daw sila. Balat sibuyas pala sila. Pero bakit kapag sila kung maningil, para silang may pusong bato?
Ang hirap sakyan ng logic nila. Parang logic ito ng magnanakaw na senador na matapos mabuking sa kanilang malawakang pangungulimbat ay sinasabi na ang pag-akusa sa kanila ay paninirang puri na sa buong senado.
Wala akong pagmamahal sa BIR. Pero ako mismo ay nabiktima na rin ng mga doktor (at dentista) na sa halip yata na MD ang diplomang nakuha (Doctor of Medicine) ay MP ang nakuhang diploma short for mukhang pera. Meron talagang ganoon eh at ewan kung ano ang ginagawa ng PMA para linisin ang kanilang hanay.
Kahit may ganito akong paniniwala sa ilang mga doktor, hindi ko naman sila nilalahat. Minsan ko rin pinangarap na maging doktor at may kapatid at mga kaibigan pa nga akong mga doktor. Kaya lang, gaano man sila kabait at may mabuting kalooban, sa gawaing baliko ng iba, pati sila nadadamay tuloy. Kaya ang dapat nila kaawayin ay ang mga tiwali nilang mga kapropesyon at hindi ang BIR.
Sa maingay na pagpalag ng PMA sa advertisement ng BIR, isang posibleng dahilan lang ang nakikita ko. Guilty much?
No comments:
Post a Comment