Friday, February 28, 2014

Patula tula lang pag may time

(alay sa mga taong naiwan ng EDSA People Power at inaantay pa ang kanilang araw ng paglaya)


Ang makata sa burol

Mula sa kanyang kinatatayuan
sa gilid ng burol,
tanaw na tanaw ng makata ang lahat:

Kita niya ang waldas na landas-
ang mga kinalbong bundok na hubad na sa kayamanan
at ang tigang na kapatagan na animo’y nakakumot ng kahirapan
na gawa sa barong barong at basura

Mula sa malayo ay dinala sa kanya ng hangin
ang taghoy ng mga taumbayang bumabaka sa buhay
na puno ng pagsubok at parusa

ngunit sa kabila nito, dinig din nya ang malutong na halakhak
ng mapapalad na iilan na nakalublob sa kasaganahan
sa gitna ng dumadaluyong na dagat ng karahupan.

At bilang makata, gumawa nga siya ng tula
hinabi niya ang pinakamagagandang salita
at bumuo ng malalalim na talinhaga

may talas ng punyal ang sumbat nya sa palalo,
sa nagtitiis ay may bigkas syang pampa-alo

Natanaw ng mga tao ang makata sa burol
at alam nila na siya ay  tumutula
pagkat gumagalaw ang kanyang bibig.
Malas nga lang at walang nakakarinig sa kanya,
at kung sakali man ay maunawaan kaya siya?

Pagkat ang lahat ay abala sa pagkayod
at pagkalkal ng panapal sa kumakalam na sikmura.

di na nila napansin ng biglang nawala ang makata,
kung ito ba ay umalis o nahulog sa burol

Wala silang kamalay malay na alay pala sa kanila
ang tula ng makata sa burol

No comments: