Karaniwan sa mga litrato na nakikita ko sa Pahiyas ay kinuha sa umaga. Pero sa bisperas pa lang ng pyesta, maaari nang maglibot at mag-obserba ng mga bahay na tapos na ang pagkakagayak o ginagayakan pa lamang. Siguro matatawag natin itong Pahiyas-by-night
Sa araw ng pyesta, eto ang itsura ng mga bahay. Ang Pahiyas ay dinaraos sa pyesta ni San Isidro Labrador na patron ng mga magsasaka. Sa isang banda, ang Pahiyas ay parangal din sa mga magsasaka at manggagawang bukid.
Pero hindi lahat ng bahay ay nakikisabay sa tugtog, ika nga. Meron ding mangilan-ngilang bahay na walang gaanong gayak tulad na lang nitong nakuhanan ko ng litrato. Sa halip, ang ginawa ng may ari ng bahay ay naglabas ng sound system upang mabigyan ng musika ang kapaligiran. Kaya lang, nang nasa lugar ako na kung saan matatagpuan ang bahay na ito, ang tinutugtog ay isang jazz version ng kantang "Our Love Will Go On" mula sa sineng Titanic.
Hindi ko hinangad na mapakinggan ng buo ang tugtuging ito kaya umalis kaagad ako sa lugar na yon. Iniisip ko siguro mahilig sa mga barkong lumulubog ang may ari ng bahay na ito. Kung ganito nga, siguro naka line up pa na tugtugin ay ang We May Never Love Like This Again mula sa sineng Poseidon Adventure at yong awit na the Wreck of the Edmund Fitzgerald.
Isa sa nakita kong display ay ang saging na ito na may bungang nyog. Naalala ko tuloy na minsan
ay may nakausap akong matanda na nagbabalik tanaw sa nakalipas na panahon na kung saan maginhawa raw ang buhay. Ayos lang naman ang ganitong pag-iisip kaya lang nang sabihin nya na noon daw ay may mga punong may iba-ibang bunga, ang naisip ko ay "Aba, e loko yata ito ei!"
Maganda at masayang okasyon ang Pahiyas at certified na pang-akit ito ng mga turista. Ang kailangan lang siguro ay mas mabisang matugunan ng mga otoridad ang problemang dala ng tagumpay ng kaganapang ito tulad ng matinding traffic at kakulangan ng matutuluyan ng mga turistang dumayo pa mula sa malayong lugar.
Sunday, May 15, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment