Dear Atty. De Lima,
Sa malalim na kadiliman ng usaping Karapatang Pantao na bumabalot sa ating bansa ngayon, itinuturing ko po na ang pagkakatalaga ninyo bilang Chairperson ng Commission on Human Rights na isang putok ng liwanag na may hatid na pag-asa. Pag-asa na nawa’y sa inyong paninilbihan at pagbabantay, ang karapatang pantao sa ating bayan ay hindi na tuluyang maglalaho, bagkus ito ay mapapagtibay lalo at mapapayabong na muli.
Kung baga, para sa akin kayo po ay si Darna ng Karapatang Pantao.
Kaya po mula sa aking hamak na kalagayan bilang isang karaniwan at di kilalang mamamayan, ako ay nagkalakas ng loob na sumulat sa inyo sa buong paniniwala na ang liham ko ay malugod ninyong tatanggapin, babasahin at ang sinasabi ko ay bukas isip ninyong titimbangin.
Kung hindi man ninyo gawin ito ay ok lang po. E kasi, sino ba naman ho ako?
Wala man nagtatanong sa akin, nais ko lang po na mag comment sa problema ng ating kapulisan at militar ngayon.
Bagamat ang mga kapulisan ay may tungkulin na panatiliin at pangalagaan ang kaayusan sa kapaligiran at ang mga sundalo ay may tungkulin na ipagtanggol ang bansa sa mga kalaban nito, parang may kritikal na pagkukulang sa training at orientation ng ating mga pulis at sundalo na madalas magresulta sa kabaligtaran ng dapat nilang magawa at nauuwi lamang sa kapahamakan lalo na ng mga mamayang dapat nilang pinangangalagaan.
Sa aking palagay, ang kakulangan pong ito ay ang kabiguang ipaunawa sa ating mga pulis at militar ang konsepto ng Paghahari ng Batas (o sa ingles Rule of Law) - na kung paglilingkuran man nila tayo at pag-aalayan ng kanilang buhay, ito ay hindi lamang basta sa pakikipaglaban ng buong tapang sa mga tinag-uriang kaaway ng bayan – maging sila man ay mga kriminal, rebelde, terorista o maging ng mga magnanakaw ng eleksyon – kundi ito ay sa pamamagitan ng pagtatanggol at pangangalaga nila ng ating Batas.
Bilang mamamayan sa isang constitutional republic, tayong lahat – walang pwera pwera- ay nasa ilalim ng Paghahari ng Batas . At ang sinumang ayaw pumailalim dito ay maituturing na rin na kaaway ng bayan - maging pulis o sundalo pa man sila na rumaratrat ng mabangis na carnapper, nanggulpi ng astig na drug pusher, o nanortyur ng mga pasaway na rebelde.
Pagkat kung wala tayong Batas na nakabatay sa Katotohanan at Katarungan wala tayong maangkin na Pambansang Dangal (National Honor). Wala tayong matatawag na Wastong Tungkulin (Proper Duty) para sa ating mga kapulisan at Hukbong Sandatahan. Wala rin tayong matatamong tunay na kaayusan at kapayapaan at lalong hindi magiging posible ang tunay na kalayaan at demokrasya na pinakamamahal daw yata natin.
Ito ang hindi yata gaano nauunawaan ng mga pulis at militar natin. Biruin ninyo hanggang ngayon bumebenta pa ang baluktot na argumento na mas concerned pa raw ang publiko o media sa mga human rights ng mga suspect kesa sa killing rights ng mga pulis o militar. Sana po kapag meron po nagsabi ng ganito sa inyo, hambalusin ninyo ng nirolyong dyaryo sa noo sabay sabi ng “Bobo!”
Ang sinuman lumabag ng ating batas para lamang tayo ipagtanggol at pagsilbihan ay tumatawid na sa panig ng labag sa batas at nagiging kaaway na rin ng mga mamamayan. Ang hindi ho maka gets nito ay walang karapatan na maging pulis o militar at lalong walang karapatan paghawakin ng baril.
Siguro kung maipapaunawa ho ninyong maigi sa ating kapulisan ang ideya ng Rule of Law, Proper Duty at National Honor mababawasan na rin ang kahiya-hiyang agricultural practise sa ating bansa na kung tawagin ay planting of evidence. At sana rin ay matigil na ang pagkarinyo brutal sa mga pinaghihinalaang criminal, rebelde o terorista ng ating mga alagad ng batas. Mga short cut ho ito para makuha ng may kapangyarihan ang kanilang gusto, pero sa huli, wala hong nagagawa ito para maging mas maayos ang ating bayan. Nasasala-ula lang tayong lahat. Para kasing nanood lang tayo ng sabong ng dalawang manok na pareho namang lawbreaker.
Kung may idealistang militar po tayo na galit sa katiwalian sa ating pamahalaan, sana po ay maging kasing galit din sila sa mga hindi nagpapasaklaw sa batas, maging ka mistah o kakosa man nila sila.
Hinahangad ko po ang matagumpay na training na gagawin ninyo sa ating kapulisan.
All the best and more power!
Maraming salamat po.
Fidel g.
Sunday, March 1, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment