Friday, December 31, 2010

Sa huling araw ng taon

Sa loob ng isang oras, magpapaalam na ang 2010.

Paalam na sa taong maraming pagsubok at mangilan ngilang tagumpay.

Tagayan natin ang taong lilipas at isang tagay ulit sa taong darating.

Sunday, December 19, 2010

NP - wip/ para kanino ang NP

Ang Noynoy Prophecies ay sinulat ko hindi para kay Noynoy na ngayon ay pangulo na kundi sa mga taong bumoto sa kanya. Karamihan sa mga taong ito ay nakabuhos ang buong tiwala at pag-asa kay Noynoy.

Isa ako sa mga bumoto kay Noynoy. Kaya lamang, di tulad ng iba, hindi ako masyadong umaasa ng malaking pagbabago.

hindi naman sa wala akong tiwala kay Noynoy, pero iba ang tingin ko sa proseso ng pagbabangon ng bansa. Para sa akin, ang taumbayan talaga ang lumilikha ng pagbabago. hindi nila ito maiaasa lamang na ibibigay sa kanila ng isang tao lang.

hindi dahil ibinoto nila si Noynoy ay maaari na silang maupo na lang at mag antay na lang na ihain na lang sa kanila ang pagbabago na parang umorder sila ng pagkain sa restoran. Kailangan, huwag silang tumigil sa paghahangad at paglalakad na makamtan ito.

Maging ang pagkakahalal nila kay Noynoy ay dapat lang nilang tingnan bilang bahagi ng pagkilos nila na linisin ang pamahalaan. Ngayong nakaluklok na si Noynoy, hindi pa rin dapat tumigil ang mga mamamayan na kumilos at tumulong malinis ang pamahalaan at lipunan.

Gaano man kabusilak ang puso ni Noynoy at gaano man kagusto nyang maglingkod ng maayos, hindi nya kayang gawin ang pagsasa ayos ng pamahalaan ng mag isa.


----------

Ngayong pangulo na si Noynoy, hindi ko maiwasang magbalik tanaw sa panahon ng pamumuno ng kanyang ina na si President Cory.

Noong 1986, si Pangulong Cory ay matagumpay na napatalsik ang brutal at corrupt na rehimeng Marcos. Nagawa nya ito sa mapayapa at matahimik na paraan at ang buong mundo ay humanga dito.

Ang pangyayaring ito ang nagbigay pag asa sa mga Pilipino. PAg asa na matapos mapalayas ang diktador at ang mga sakim nyang galamay, magbabago na ang buhay sa bansa. Sasagana ang pamumuhay at darating ang pag unlad at pag asenso ng buhay para sa lahat. at magagapi ang kahirapan.

Pero mahigit 20 taon mula ng mangyari ito, bakit narito pa rin tayo. Bakit hikahos pa rin ang karamihan sa mga Piliipino at parang walang nag bago.

Ano ang nangyari?

-------

Ang pandarambong o plunder ay isang krimen ng pagsasabwatan. hindi ito magagawa ng isang tao lamang. Kailangan nya ng mga galamay at katulong. Kaya nga sa pagkamit ng katarungan laban sa pandarambong, ang paglilinis dito ay dapat malawak at malalim din.

Ang mamamayan ang dapat mag giit nito at sila na rin dapat ang tumulong kay Noynoy na usigin ang mga salarin, hindi lamang ang ulo kundi maging ng mga pumayag na magpakasangkapan sa mandarambong. Ang nagpupuyos lamang na galit ng mamamayan ang makakagawa nito at hindi si Noynoy.