Tuesday, September 28, 2010

green packaging


Concern for the environment is making people go for green packaging. I have a hunch that as this trend continues, food wrapped in banana leaves will become popular again.



Food in pic is the Malay version of the patupis.





Wednesday, September 22, 2010

Noynoy Prophecies - intro

Propeta ang tawag sa mga taong nakakakita ng hinaharap. Sila ang mga taong nakakapagsabi sa kung ano ang magaganap o mangyayari pa lamang. Kahit noon pa mang sinaunang panahon, sandamakmak na ang mga taong nagpakilala sa sarili bilang propeta.

Dahil sa hangad ng karamihan na malaman agad ang kanilang kinabukasan at kapalaran, may mga taong kinareer na ang panghuhula at ginawa itong hanap buhay. Ang problema, karamihan sa mga manghuhulang ito ay bogus at mga switik na ang tanging kakayanan ay ihiwalay ang mga hangal sa kanilang kwarta. Kung hihiramin natin ang salita ni Pangulong Noynoy, ang ginagamit na paraan ng mga manghuhulang ito ay ang paraang baluktot.

Ngunit kung may baluktot na daan, meron din namang tuwid na paraan upang masabi kung ano ang maaaring mangyari sa hinaharap. Hindi ito gumagamit ng bolang kristal, baraha o kung anu ano pang gimik na parapernalia ng mga abrakadabradista at kung sino sino pang mga bolista-ispiritista.

Sa paraang matuwid, simple lang ang ginagawa ng kung sino man ang nais masabi ang maaaring mangyari sa hinaharap: Kahit sinong tao na nakatapak ang paa sa lupa kayang gawin ito. Hindi na kinakailangan maging propeta pa. Ang paraang ito ay ang masusing pag-aaral sa nakaraan at sa tamang pagbasa sa kung ano ang nagaganap sa kasalukuyan.Sinusuri nilang maigi kung ano ang nangyari na at kung ano ang nagaganap pa lamang. Mula dito, maaari nating maaninag kung ano ang nakalaan para sa atin sa kinabukasan. Posible ito dahil ang nakaraan ay kaugnay ng kasalukuyan na kaugnay ng hinaharap. Yon nga lang, maging ang panghuhula sa paraang ito ay hindi garantisadong magaganap lahat pagkat wala naman talagang makaaangkin sa kung ano ang ihahatid ng kinabukasan.

Batay sa ganitong perspektibo, kung ating pag-aaralan maigi ang naganap sa nakaraan, simula pa noong unang People Power hanggang sa kung ano ang nagaganap ngayon sa maagang administrasyon ng kasalukuyang napakasikat at napakabangong Pangulong Noynoy Aquino, maaari na rin siguro makapagbigay ng ilang hula sa kung ano ang mararating ng pamumuno niya.

Ang mga hula dito ay hindi hinugot sa hangin o binasa mula sa bituka ng bagong katay na manok. Ang mga hula dito ay nabuo batay sa aking sariling obserbasyon at maging karanasan sa pamumuhay sa ating bayan na ngayon ay pinamumunuan ng isang pangulo pinaglagakan ng taumbayan ng kanilang taimtim na pag-asa para sa pagbabago at masaganang pamumuhay.

Si Pangulong Noynoy – anak ng isang martir at isang bayani. Ngayon ay inaasahang maging Darna ng katarungan at kasaganahan. Tawagin natin ang kalipunan ng mga hulang ito sa pamumuno niya bilang The Noynoy Prophecies.

Thursday, September 16, 2010

Father Salvage: kwentong binubuo pa lamang

Si Father Salvage ay pari sa umaga ngunit isang kilabot na kaaway at killer ng mga masasama at makapangyarihang politiko sa gabi. Para kay Father Salvage, ang pagligpit sa mga malahalimaw na pulitiko na di abot ng batas at walang pakundangang nandarambong, nang-aabuso at nang-aapi sa taumbayan ay kinakailangang gawin bilang pagkilala sa karapatan ng publiko na depensahan ang sarili upang ipagtanggol ang kanilang buhay at pag-aari.

Si Fr Salvage ay Pari ng kanyang sariling simbahan na itinatag niya matapos makita na hindi na tumutugon sa pangangailangan ng panahon ang mga kasalukuyang simbahan at samahang pangrelihyon. Sa katunayan, ang mga kabuktutan at kabalintunaan na namalas nya sa kanyang dating simbahan ang nagmulat ng kanyang mga mata para kumalas dito.

Sa kanyang bagong buhay, maraming magiging kagilagilalas na karanasan at kwento si Fr. Salvage sa paglilinis nya ng lipunan sa panahon ng Pangulong laging nakanganga.

Abangan....kung kailan ko maisusulat ito.

Epekto ng depression

ang daming nangyari, ang daming nagdaan pero wala akong maisip, wala akong masabi, hindi ako makakakilos.

Ganito talaga siguro ang depression. parang isang makapal na balabal ng kalungkutan na bumabalot sa akin.

pero siguro ok na ako ngayon. nakapasok na ulit ako sa blog na ito at kung anu ano na naman ang mga proyekto ang naiisip ko. Ang iba ay ginagawa ko na, ang iba ay nasa antas pa lang ng pag iisip. Pero ang mahalaga, may naiisip na naman ako.

salamat sa mga kaibigan at sa mga taong malalapit sa akin na sinusubok unawain ang malupit na kalagayan ng isip ko.