Monday, May 12, 2008

Sodium cyanide

May naka-usap na ba kayong taong character?

Kanina ay nakakwentuhan ko ang isang driver habang inihahatid ako sa aking pupuntahan. Isa siya dating seaman na kusinero sa barko. Bago raw sya sumakay ng barko, nagtrabaho muna siya bilang driver sa isang mayamang intsik na may ari din ng isang sikat na restaurant sa Quezon Blvd. Kapag wala daw siyang lakad, sa kusina ng restaurant siya nagtitigil na kung saan nakaibigan nya ang mga kusinero doon. Tinanong ko sya kung natuto syang gumawa ng siopao o siomai. Ang sagot niya ay hindi dahil sa Tondo raw ginagawa ang mga dim sum na ibinebenta sa kanilang restaurant. At ang sabi niya, talaga daw may halong pusa at daga ang mga siomai at siopao na gawang Tondo. Kung kaya nga ang dami daw nag-aalaga ng pusa doon dahil nabebenta ang mga ito sa halagang P10 bawat piraso. Ewan ko kung magkano ang halaga ng dagang bahay, dahil hindi ko na tinanong.

Pinapakiramdaman ko kung sinisiraang puri lang nya ang restaurant ng amo nya. Pero hindi naman. Sa katunayan, pinuri pa niya ang kanyang amo na mabait at tumulong pa nga raw sa kanya na makasakay ng barko. Kasi, kahit driver daw ang trabaho niya, pumayag na I-certify ng amo niya na siya ay kusinero sa kanyang restaurant.

Iniisip ko paano kaya kung pinag sample siya ng nag jo-job interview sa kanya kung paano gumawa ng siopao. Saan kaya siya maghahagilap ng pusa at dagang bahay na ihahalo sa kanyang special dim sum?

Dahil napagkwentuhan na namin ang paggiging kusinero niya sa barko, natanong ko rin ang sikreto niya sa pagluluto at di naman niya ipinagdamot sa akin ito. Betsin daw.Isang damukal na betsin daw siya kung maglagay nito sa pagkain dahil para sa kanya, walang lasa ang pagkain kung wala nito. Kaya naman minsan binabantayan na daw siya ng kanyang mga kasamahan kapag siya ay nagluluto.

Kahit ako nalulula sa kwento niyang ito pero muntik pa akong mahirinan ng sinabi niya na ang inglis daw ng betsin ay sodium cyanide!

Sa isip isip ko, ano kaya at nagkaroon nga ng pagkakataon na bumili ito ng sodium cyanide at nagamit nga sa pagluluto? Pero, hindi ko na siya itinama dahil tutal, retired na siya.

Marami pa kaming ibang napag-usapan bukod sa pagluluto. Naikwento niya sa akin ang isang isla na may bundok na bumubukas at sumasara na siyang pinagtataguan ng mga pirata. Nasabi din niya sa akin na noon daw ay may mga puno na nagbubunga ng iba’t-ibang prutas.

Pambihira talaga ang taong ito. Sa kilos at gawa, matinong matino naman siya. Pero parang nabubuhay yata siya sa mundo ng cartoons o ng magic realism. Ang malungkot nito, alam ko marami pa ring mga pinoy na hindi malayo sa kanya ang pag-iisip. Minsan nga nakapakinig pa ako ng mainit na debate ng dalawang matanda kung ano ang mas mataas – buwan o ulap?

Ay, bayan ko. Sino kaya ang dapat sisihin sa malungkot na kalagayan ng ating pag-iisip? Kahit ilang taon nagdaan ang marami sa atin sa mosyon ng pag-aaral, parang wala talaga tayong maayos na natutunan.